Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 1

1
1Ang#2 Ha. 15:1-7; 2 Cro. 26:1-23; 2 Ha. 15:32-38; 2 Cro. 27:1-9; 2 Ha. 16:1-20; 2 Cro. 28:1-27; 2 Ha. 18:1–20:21; 2 Cro. 29:1–32:33. aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
Sumbat sa Bayan ng Diyos
2Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
at wala man lamang gamot na mailagay.
7Sinalanta ang inyong bayan,
tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8Ang Jerusalem lang ang natira,
parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9Kung#Gen. 19:24; Ro. 9:29. si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
10Mga pinuno ng Israel,
pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11“Walang#Amos 5:21-22. halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at mga kambing.
12Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14“Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
15Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
hindi ko kayo papakinggan
sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.
18“Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
tiyak na kayo'y mamamatay.
Ito ang mensahe ni Yahweh.
Ang Makasalanang Lunsod
21“Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22Ang iyong pilak ay naging bato,
nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23Naging suwail ang iyong mga pinuno,
kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
at walang malasakit sa mga biyuda.”
24Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,
“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,
maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25Paparusahan kita at lilinisin,
gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy
at tinutunaw upang dumalisay.
26Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,
at ng mga tagapayo gaya noong simula,
pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,
ang Lunsod na Matapat.”
27Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,
at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,
malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,
at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno
at halamanang hindi na nadidilig.
31Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,
mga gawa nila'y madaling magliliyab,
parehong matutupok,
sa apoy na walang makakapigil.

Kasalukuyang Napili:

Isaias 1: MBBTAG12

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in