Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,
Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.
At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?
Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.
Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:
Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.
Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,
Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi;
Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.
At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.
Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.
Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?
Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.
Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.
At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.
At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?
Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.
Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:
Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.