Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila, “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.” Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon? Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’ Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama. Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya, ‘Iginagalang ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’” Pinalapit ni Jesus sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.” Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?” Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.” At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa? Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi? Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao. Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan. Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Basahin MATEO 15
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MATEO 15:1-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas