At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.
At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.
Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.
At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?
Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.
At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.
At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?
At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.
At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.
At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.
Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;
At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;
At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.
Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.
At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo'y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.