At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay. Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.” Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” [Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.] Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?” At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda. Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.” At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito. At tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”
Basahin LUCAS 24
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: LUCAS 24:35-49
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas