Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 11:14-32

LUCAS 11:14-32 ABTAG

At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan. Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit. Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba. At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio. At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom. Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios. Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pagaari ay wala sa panganib. Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya. Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat. Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko. At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan. Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan. Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap. At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas. Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito. Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon. Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.