At noon ay nagpalayas si Jesus ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao. Subalit sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.” At ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit. Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili ay nagigiba. At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul. At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom. Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas. Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat. “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na. Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.” Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.” Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.” Nang dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas. Kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito. Ang reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon. Ang mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.
Basahin LUCAS 11
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: LUCAS 11:14-32
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas