Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 19:28-42

JUAN 19:28-42 ABTAG

Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako. Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig. Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga. Ang mga Judio nga, sapagka't noo'y Paghahanda, upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka't dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila'y mangaalis doon. Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya: Nguni't nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya'y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita: Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig. At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya'y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya. Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto niya'y hindi mababali. At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan. At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jose na taga Arimatea, palibhasa'y alagad ni Jesus, bagama't lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay. At naparoon naman si Nicodemo, yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong mirra at mga aloe, na may mga isang daang libra. Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailan ma'y hindi pa napaglalagyan ng sinoman. Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka't malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa JUAN 19:28-42