Pagkatapos nito, sapagkat alam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay sinabi niya (upang matupad ang kasulatan), “Nauuhaw ako.”
Mayroon doong isang sisidlang punô ng maasim na alak, kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang sanga ng isopo, kanilang inilagay sa kanyang bibig.
Nang matanggap ni Jesus ang suka ay sinabi niya, “Natupad na.” At itinungo ang kanyang ulo, at siya ay namatay.
Sapagkat noo'y araw ng Paghahanda, upang maiwasan na ang mga katawan ay manatili sa krus sa araw ng Sabbath (sapagkat dakila ang araw ng Sabbath na iyon), hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at sila'y alisin doon.
Kaya't dumating ang mga kawal at binali ang binti ng una at ng isa pa na ipinako sa krus na kasama niya.
Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti.
Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran at biglang lumabas ang dugo at tubig.
Siya na nakakita nito ay nagpatotoo, at ang kanyang patotoo ay tunay, at nalalaman niya na siya'y nagsasabi ng totoo upang kayo rin ay maniwala.
Sapagkat ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan, “Kahit isa mang buto niya'y hindi mababali.”
At sinabi rin sa isa pang kasulatan, “Titingin sila sa kanya na kanilang tinusok ng sibat.”
Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga-Arimatea, na isang lihim na alagad ni Jesus, dahil sa takot sa mga Judio, ay nakiusap kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus, at siya'y pinahintulutan ni Pilato. Kaya't siya'y pumunta roon at kinuha ang kanyang bangkay.
Dumating din si Nicodemo, na noong una ay lumapit sa kanya noong gabi, na may dalang pinaghalong mira at mga aloe, halos isandaang libra ang timbang.
Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga telang lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.
Sa lugar ng pinagpakuan sa kanya ay may isang halamanan, at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailanma'y hindi pa nalalagyan ng sinuman.
Kaya't dahil sa Paghahanda ng mga Judio, sapagkat malapit ang libingan, ay kanilang inilagay doon si Jesus.