Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 19:28-42

Juan 19:28-42 ASND

Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga. Bisperas na noon ng pista, at kinabukasan ay espesyal na Araw ng Pamamahinga. Dahil ayaw ng mga Judio na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay. Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Jesus na ipinako. Pero pagdating nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Jesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo. Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan: “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.” Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.” Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 19:28-42