Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, na nagsisisangguni, nguni't hindi sa akin; at nangagaalay ng alay, nguni't hindi sa aking Espiritu, upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan;
Ang nagsisilakad na nagsisilusong sa Egipto, at hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!
Kaya't ang lakas ni Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.
Sapagka't ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.
Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.
Ang hula tungkol sa mga hayop ng Timugan.
Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
Sapagka't ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya't aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.
Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.
Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:
Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:
Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.
Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:
Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.
At yao'y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.