Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 30:1-15

ISAIAS 30:1-15 ABTAG01

“Kahabag-habag ang mga mapaghimagsik na mga anak,” sabi ng PANGINOON, “na nagsasagawa ng panukala, ngunit hindi mula sa akin; na nakikipagkasundo, ngunit hindi sa aking Espiritu, upang sila'y makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan; na pumupunta na lumulusong sa Ehipto, na hindi humihingi ng payo, upang manganlong sa pag-iingat ng Faraon, at manirahan sa lilim ng Ehipto! Kaya't ang pag-iingat ng Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang tirahan sa lilim ng Ehipto ay inyong pagkapahiya. Sapagkat bagaman ang kanyang mga pinuno ay nasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nakarating sa Hanes, silang lahat ay mapapahiya sa pamamagitan ng isang bayan na hindi nila mapapakinabangan, na magdadala hindi ng tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan at kasiraan.” Ang pahayag tungkol sa mga hayop ng Negeb. Sa lupain ng kabagabagan at ng hapis, na pinanggagalingan ng leong babae at lalaki, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan. Sapagkat ang tulong ng Ehipto ay walang kabuluhan at walang halaga, kaya't aking tinawag siyang “Rahab na nakaupong walang kibo.” Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat, upang sa darating na panahon ay maging saksi magpakailanman. Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng PANGINOON, na nagsasabi sa mga tagakita, “Huwag kayong makakita ng pangitain;” at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay, magpropesiya kayo ng mga haka-haka. Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel.” Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, “Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito, at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan, at umasa sa mga iyon; kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak, na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap. At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok, na walang awang dinurog na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maisasalok ng tubig sa balon.” Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, ng Banal ng Israel, “Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo; sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas.” Ngunit ayaw ninyo