At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama'y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya. At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi, Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya. At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod. At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, sapagka't nasa kalagayan ba ako ng Dios? At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao. Kaya nga huwag kayong matakot: aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob. At si Jose ay tumahan sa Egipto, siya at ang sangbahayan ng kaniyang ama: at si Jose ay nabuhay na isang daan at sangpung taon. At nakita ni Jose ang mga anak ni Ephraim hanggang sa ikatlong salin ng lahi; ang mga anak man ni Machir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose. At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: Ako'y namamatay: nguni't tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob. At ipinasumpa ni Jose sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios, at inyong iaahon ang aking mga buto mula rito. Sa gayo'y namatay si Jose na may isang daan at sangpung taon: at kanilang inembalsama siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Egipto.
Basahin GENESIS 50
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 50:15-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas