Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, “Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya.” Kaya't ipinasabi nila kay Jose, “Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi, ‘Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.’ Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita sa kanya. Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, “Narito, kami ay iyong mga alipin.” Subalit sinabi ni Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos? Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao. Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak.” Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila. Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon. Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose. At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob.” Pagkatapos ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito.” Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto.
Basahin GENESIS 50
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 50:15-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas