Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 36:6-15

EZEKIEL 36:6-15 ABTAG

Kaya't manghula ka tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok at sa mga burol, sa mga daan ng tubig at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y nagsalita sa aking paninibugho at sa aking kapusukan, sapagka't inyong tinaglay ang kahihiyan ng mga bansa. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Aking itinaas ang aking kamay, na aking sinasabi, Tunay na ang mga bansa na nangasa palibot ninyo, mangagtataglay sila ng malaking kahihiyan. Nguni't, kayo, Oh mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagka't sila'y malapit nang dumating. Sapagka't, narito, ako'y sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y mabubukid at mahahasikan; At ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, buong sangbahayan ni Israel, sa makatuwid baga'y siyang lahat; at ang mga bayan ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay mangatatayo; At ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop; at sila'y magsisidami at mangagkakaanak: at aking patatahanin kayo ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng magaling kay sa una: at inyong malalaman na ako ang Panginoon. Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, sa makatuwid baga'y ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi mo na sila wawalaan ng mga anak. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't kanilang sinasabi sa iyo, Ikaw na lupain ay manglalamon nga ng mga tao, at naging mapagpahirap sa iyong bansa; Kaya't hindi ka na manglalamon pa ng mga tao o papatay pa man sa iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios; O iparirinig ko pa man sa iyo ang kahihiyan ng mga bansa, o magtataglay ka pa man ng kakutyaan ng mga bayan, o ititisod mo pa man ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Dios.