Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 36:6-15

Ezekiel 36:6-15 ASND

“Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Panginoong DIOS, ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit, ako, ang Panginoong DIOS ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon. Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi. Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo. Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan. Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang PANGINOON. Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.” Sinabi pa ng Panginoong DIOS, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa. Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong DIOS, ang nagsasabi nito. Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong DIOS, ang nagsasabi nito.”