Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 33:1-11

EXODO 33:1-11 ABTAG

At sinalita ng Panginoon kay Moises, Yumaon ka, sumampa ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto, na patungo kayo sa lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na aking sinasabi, Sa iyong binhi ay aking ibibigay. At aking susuguin ang isang anghel sa unahan mo: at aking palalayasin ang Cananeo, ang Amorrheo, at ang Hetheo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo: Sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot: sapagka't hindi ako sasampa sa gitna mo; sapagka't ikaw ay bayang may matigas na ulo; baka ikaw ay aking lipulin sa daan. At nang marinig ng bayan ang masasamang balitang ito, ay nanangis sila: at walang taong nagsuot ng kaniyang mga pahiyas. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Kayo'y isang bayang may matigas na ulo: kung ako'y sumampa sa gitna mo na sangdali, ay lilipulin kita: kaya't ngayo'y alisin mo ang iyong mga pahiyas sa iyo upang aking maalaman kung anong aking gagawin sa iyo. At ang mga anak ni Israel ay naghubad ng kanilang mga pahiyas mula sa bundok ng Horeb. Kinaugalian nga ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampamento, na malayo sa kampamento at kaniyang tinawag iyon, Tabernakulo ng kapisanan. At nangyari na bawa't magsiyasat sa Panginoon ay lumalabas na pumaparoon sa tabernakulo ng kapisanan, na nasa labas ng kampamento. At nangyari, pagka si Moises ay lumalabas na napasa sa Tolda, na ang buong bayan ay bumabangon at tumatayo, bawa't lalake sa pintuan ng kaniyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok sa Tolda. At nangyari, pagka si Moises ay pumapasok sa Tolda ay bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng Tolda ang Panginoon ay nakikipagsalitaan kay Moises. At nakikita ng buong bayan ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng Tolda; at ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, na bawa't isa'y sa tabi ng pintuan ng kaniyang tolda. At nakikipagsalitaan ang Panginoon kay Moises ng mukhaan, gaya ng isang taong nakikipagsalitaan sa kaniyang kaibigan. At siya'y bumabalik uli sa kampamento, datapuwa't ang kaniyang tagapangasiwang si Josue, na anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa Tolda.