Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 12:23-51

EXODO 12:23-51 ABTAG

Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo. At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man. At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito? Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba. At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila. At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop. At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay. At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako. At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na. At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat. At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit: At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio. At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata. At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop. At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain. Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon. At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto. Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi. At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon: Datapuwa't ang alipin ng bawa't lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya'y makakakain nga niyaon. Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon. Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon. Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel. At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya'y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa't sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon. Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo. Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa. At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EXODO 12:23-51

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya