Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 12:23-51

EXODO 12:23-51 ABTAG01

Sapagkat ang PANGINOON ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng PANGINOON ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo. Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman. Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng PANGINOON, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’ Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng PANGINOON, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba. Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila. Pagsapit ng hatinggabi, pinatay ng PANGINOON ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop. Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay. Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, “Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang PANGINOON, gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!” Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.” Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat. Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit. Binigyan ng PANGINOON ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata. Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila. Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili. Ang panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon. Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng PANGINOON ay umalis sa lupain ng Ehipto. Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng PANGINOON upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng PANGINOON na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi. Sinabi ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, “Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon. Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya. Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon. Sa loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon. Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel. Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng PANGINOON, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon. May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.” Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila. Nang araw ding iyon, kinuha ng PANGINOON ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EXODO 12:23-51

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya