Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ESTHER 1:1-12

ESTHER 1:1-12 ABTAG

Nangyari nga, sa mga kaarawan ni Assuero, (ito ang Assuero na naghari, mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan:) Na sa mga kaarawang yaon, nang maupo ang haring Assuero sa luklukan ng kaniyang kaharian, na nasa Susan na bahay-hari, Sa ikatlong taon ng kaniyang paghahari, siya'y gumawa ng isang kapistahan sa kaniyang lahat na mga prinsipe, at mga lingkod niya; ang kapangyarihan ng Persia at Media, ang mga mahal na tao at mga prinsipe, ng mga lalawigan ay nangasa harap nga niya: Nang kaniyang ipakita ang mga kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang karangalan ng kaniyang marilag na kamahalan na malaong araw, na isang daan at walong pung araw. At nang maganap ang mga kaarawang ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan sa buong bayan na nangasa Susan na bahay-hari sa mataas at gayon din sa mababa, na pitong araw, sa looban ng halamanan ng bahay ng hari; Na may tabing na kayong puti, verde, at bughaw, na naiipit ng mga panaling mainam na lino at ng kulay ube sa mga singsing na pilak at mga haliging marmol: na ang mga hiligan ay ginto at pilak, sa isang lapag na mapula, at maputi, at madilaw, at maitim na marmol. At sila'y nangagbigay sa kanila ng inumin sa mga sisidlang ginto, (na ang mga sisidlan ay magkakaiba,) at saganang alak hari, ayon sa kasaganaan ng hari. At ang paginom ay ayon sa kautusan; walang pagpilit: sapagka't gayon ibinilin ng hari sa lahat na pinuno ng kaniyang bahay, na kanilang gawin ayon sa kalooban ng bawa't isa. Si Vasthi na reina naman ay nagdaos ng kapistahan sa mga babae sa bahay-hari na ukol sa haring Assuero. Nang ikapitong araw, nang masayahan ang puso ng hari sa pamamagitan ng alak, kaniyang iniutos kay Mehuman, kay Biztha, kay Harbona, kay Bigtha, at kay Abagtha, kay Zetar, at kay Carcas, na pitong kamarero na nangaglilingkod sa harapan ng haring Assuero. Na dalhin si Vasthi na reina na may putong pagkareina sa harap ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga prinsipe ang kaniyang kagandahan: sapagka't siya'y may magandang anyo. Nguni't ang reinang si Vasthi ay tumanggi na pumaroon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga kamarero: kaya't ang hari ay lubhang naginit, at ang kaniyang galit ay nagalab sa kaniya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa ESTHER 1:1-12