Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ESTHER 1:1-12

ESTHER 1:1-12 ABTAG01

Nangyari noon sa mga araw ni Ahasuerus, ang Ahasuerus na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuerus sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa, sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon, samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw. Nang maganap na ang mga araw na ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan na tumagal ng pitong araw para sa buong bayan na nasa kastilyo ng Susa, sa malalaki at maliliit na tao, sa bulwagan ng halamanan ng palasyo ng hari. May mga tabing na telang puti, at palawit na asul na naiipit ng mga panaling pinong lino at ng kulay-ube sa mga argolyang pilak at mga haliging marmol. Mayroon ding mga upuang ginto at pilak sa sahig na mosaik na yari sa porbido, marmol, perlas at mamahaling bato. Ang mga inumin ay nakalagay sa mga sisidlang ginto na iba't ibang uri, at ang alak ng kaharian ay labis-labis, ayon sa kasaganaan ng hari. Ang pag-inom ay ayon sa kautusan; walang pinipilit, sapagkat ipinag-utos ng hari sa lahat ng pinuno ng kanyang palasyo na gawin ang ayon sa nais ng bawat isa. Si Reyna Vasti ay nagdaos din ng kapistahan para sa mga kababaihan sa palasyo na pag-aari ni Haring Ahasuerus. Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuerus, na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan. Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa ESTHER 1:1-12