Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ANG MGA GAWA 9:32-43

ANG MGA GAWA 9:32-43 ABTAG

At nangyari, na sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng dako, siya'y naparoon naman sa mga banal na nangananahan sa Lidda. At doo'y natagpuan niya ang isang lalake na nagngangalang Eneas, na walo nang taong sumasabanig; sapagka't siya'y lumpo. At sinabi sa kaniya ni Pedro, Eneas, pinagagaling ka ni Jesucristo: magtindig ka, at husayin mo ang iyong higaan. At pagdaka'y nagtindig siya. At siya'y nakita ng lahat ng mga nangananahan sa Lidda at sa Sarona, at sila'y nangagbalik-loob sa Panginoon. Ngayon ay may isang alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita, na ang kahuluga'y Dorcas: ang babaing ito'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkaawang gawa na kaniyang ginagawa. At nangyari nang mga araw na yaon, na siya'y nagkasakit, at namatay: at nang siya'y mahugasan na nila, ay kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas. At sapagka't malapit ang Lidda sa Joppe, pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, Huwag kang magluwat ng pagparito sa amin. At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. At pagdating niya, ay inihatid nila sa silid sa itaas: at siya'y niligid ng lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni Dorcas, nang ito'y kasama pa nila. Datapuwa't pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay kaniyang sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya. At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya'y itinindig; at tinawag ang mga banal at ang mga babaing bao, at siya'y iniharap niyang buhay. At ito'y nabansag sa buong Joppe: at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon. At nangyari, na siya'y nanahang maraming mga araw sa Joppe, na kasama ni Simong mangluluto ng balat.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya