Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 9:32-43

MGA GAWA 9:32-43 ABTAG01

Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda. Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay. Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon. Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas. Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas. Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila. Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya. Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon. Si Pedro ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya