Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak.
Datapuwa't pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila'y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita.
Sapagka't ang mga ito'y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo'y oras na ikatlo lamang ng araw;
Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel:
At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman:
At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula,
At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain,
Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip:
Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon
Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila.
At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
At mga tanda sa lupa sa ibaba,
Dugo, at apoy, at singaw ng usok:
Ang araw ay magiging kadiliman,
At ang buwan ay dugo,
Bago dumating ang araw ng Panginoon,
Yaong araw na dakila at tangi:
At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas.
Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo;
Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Dios, kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay:
Na siya'y binuhay na maguli ng Dios, pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan: sapagka't hindi maaari na siya'y mapigilan nito.
Sapagka't sinasabi ni David tungkol sa kaniya,
Nakita kong lagi ang Panginoon sa aking harapan;
Sapagka't siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong makilos:
Dahil dito'y nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
Pati naman ang aking laman ay mananahan sa pagasa:
Sapagka't hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades,
Ni titiisin man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
Ipinakilala mo sa akin ang mga daan ng buhay;
Pupuspusin mo ako ng kagalakan sa harap ng iyong mukha.