SEFANIAS 2
2
Ang Malagim na Wakas ng mga Bansa
1Sama-sama kayong pumarito
at magtipon, O bansang walang kahihiyan;
2bago ang utos ay lumabas, ang araw ay dadaang parang ipa,
bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon,
bago dumating sa inyo ang araw ng poot ng Panginoon.
3Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain,
na sumusunod sa kanyang mga utos;
hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan,
maaaring kayo'y maitago
sa araw ng poot ng Panginoon.
Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel
4Sapagkat#Isa. 14:29-31; Jer. 47:1-7; Ez. 25:15-17; Joel 3:4-8; Amos 1:6-8; Zac. 9:5-7 ang Gaza ay pababayaan,
at ang Ascalon ay magigiba;
palalayasin ang mamamayan ng Asdod sa katanghaliang-tapat,
at ang Ekron ay mabubunot.
5Kahabag-habag ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat,
ikaw na bansa ng mga Kereteo!
Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo,
O Canaan, lupain ng mga Filisteo;
aking wawasakin ka, hanggang maubos ang lahat ng mamamayan.
6At ikaw, O baybayin ng dagat ay magiging pastulan,
kaparangan para sa mga pastol,
at mga kulungan para sa mga kawan.
7At ang baybayin ay magiging pag-aari
ng nalabi sa sambahayan ni Juda;
na iyon ay kanilang pagpapastulan,
at sa mga bahay sa Ascalon ay
mahihiga sila sa gabi.
Sapagkat dadalawin sila ng Panginoon nilang Diyos,
at ibabalik mula sa kanilang pagkabihag.
8“Aking#Isa. 15:1–16:14; 25:10-12; Jer. 48:1-47; Ez. 25:8-11; Amos 1:13-15; Jer. 49:1-6; Ez. 21:28-32; 25:1-7; Amos 1:13-15 narinig ang panunuya ng Moab,
at ang panglalait ng mga anak ni Ammon,
kung paanong tinuya nila ang aking bayan,
at nagmalaki sila laban sa kanilang nasasakupan.
9Kaya't#Gen. 19:24 habang buháy ako,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
ng Diyos ng Israel,
“ang Moab ay magiging parang Sodoma,
at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra,
isang lupaing pag-aari ng mga dawag at tambakan ng asin,
at isang pagkasira magpakailanman.
Sila'y sasamsaman ng nalabi sa aking bayan,
at sila'y aangkinin ng nalabi sa aking bansa.”
10Ito ang kanilang magiging kapalaran kapalit ng kanilang pagmamataas,
sapagkat sila'y nanlibak at nagmalaki
laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo.
11Ang Panginoon ay magiging kakilakilabot laban sa kanila;
oo, kanyang gugutumin ang lahat ng diyos sa lupa;
at sa kanya ay yuyukod,
bawat isa sa kanya-kanyang dako,
ang lahat ng pulo ng mga bansa.
12Kayo#Isa. 18:1-7 rin, O mga taga-Etiopia,
kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak.
13At#Isa. 10:5-34; 14:24-27; Nah. 1:1–3:19 kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga,
at gigibain ang Asiria,
at ang Ninive ay sisirain,
at tutuyuing gaya ng ilang.
14At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon,
lahat ng hayop ng mga bansa,
ang pelikano at gayundin ang kuwago
ay maninirahan sa kanyang mga kabisera,
ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana,
ang kasiraan ay darating sa mga pasukan;
sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira.
15Ito ang masayang bayan na
naninirahang tiwasay,
na nagsasabi sa sarili,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
Siya'y naging wasak,
naging dakong higaan para sa mababangis na hayop!
Bawat dumaraan sa kanya
ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay.
Kasalukuyang Napili:
SEFANIAS 2: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001