Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

SEFANIAS 1

1
1Ang#2 Ha. 22:1–23:30; 2 Cro. 34:1–35:27 salita ng Panginoon na dumating kay Sefanias na anak ni Cushi, na anak ni Gedalias, na anak ni Amarias, na anak ni Hezekias, nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda.
Ang Araw ng Paghuhukom ng Panginoon
2“Aking lubos na lilipulin ang lahat ng bagay
sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
3“Aking pupuksain ang tao at ang hayop;
lilipulin ko ang mga ibon sa himpapawid,
at ang mga isda sa dagat,
at ang katitisuran kasama ang masasama;
aking aalisin ang sangkatauhan
sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
4“Aking iuunat ang aking kamay laban sa Juda,
at laban sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem;
at aking aalisin mula sa lugar na ito ang nalabi ni Baal,
at ang mga pangalan ng mga paring sumasamba sa diyus-diyosan kasama ang mga pari;
5yaong mga yumuyukod sa mga bubungan
sa mga bagay na nasa kalangitan;
sa mga yumuyukod at sumusumpa rin sa Panginoon
at gayunma'y sumusumpa sa pangalan ni Malcam;
6at iyong mga tumalikod mula sa pagsunod sa Panginoon;
at ang mga hindi hinanap ang Panginoon, ni sumangguni man sa kanya.”
7Tumahimik ka sa harapan ng Panginoong Diyos!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
sapagkat inihanda ng Panginoon ang isang handog,
at itinalaga ang kanyang mga panauhin.
8At sa araw ng paghahandog sa Panginoon
“Aking parurusahan ang mga pinuno, at ang mga anak ng hari,
at ang lahat na nagsusuot ng damit ng dayuhan.
9At sa araw na iyon ay aking parurusahan
ang lahat ng lumulukso sa pasukan,
na pinupuno ang bahay ng kanilang panginoon
ng karahasan at pandaraya.”
10“At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon,
“maririnig ang panaghoy mula sa Pintuang Isda,
ang pananambitan mula sa Ikalawang Bahagi,
ang isang malakas na lagapak mula sa mga burol.
11Managhoy kayo, kayong mga naninirahan sa Mortar!
Sapagkat ang buong bayan ng Canaan ay nalansag;
lahat ng nagtitimbang ng pilak ay inalis.
12At sa panahong iyon, ang Jerusalem ay sisiyasatin ko sa pamamagitan ng ilawan,
at aking parurusahan ang mga tao
na nagsisiupo sa kanilang mga latak,
na nagsasabi sa kanilang puso,
‘Ang Panginoon ay hindi gagawa ng mabuti,
ni gagawa man siya ng masama.’
13At ang kanilang kayamanan ay nanakawin,
at ang kanilang mga bahay ay gigibain.
Bagaman sila'y nagtatayo ng mga bahay,
hindi nila titirahan ang mga iyon;
bagaman sila'y nagtatanim ng ubasan,
hindi sila iinom ng alak niyon.”
14Ang dakilang araw ng Panginoon ay malapit na,
malapit na at napakabilis na dumarating,
ang tinig ng araw ng Panginoon,
ang makapangyarihang tao ay sumisigaw nang may kapaitan roon.
15Ang araw na iyon ay araw ng pagkapoot,
araw ng kaguluhan at kahapisan,
araw ng pagkawasak at pagkasira,
araw ng kadiliman at kalumbayan,
araw ng mga ulap at makapal na kadiliman,
16araw ng tunog ng tambuli at ng hudyat ng digmaan,
laban sa mga lunsod na may muog,
at laban sa mataas na kuta.
17At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao,
upang sila'y lumakad na parang mga bulag,
sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon;
at ang kanilang dugo ay ibubuhos na parang alabok,
at ang kanilang laman ay parang dumi.
18Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man
ay hindi makakapagligtas sa kanila
sa araw ng poot ng Panginoon.
Sa apoy ng kanyang naninibughong poot
ang buong lupa ay matutupok;
sapagkat isang ganap at biglang paglipol
ang kanyang gagawin, sa lahat ng naninirahan sa daigdig.

Kasalukuyang Napili:

SEFANIAS 1: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in