Si Boaz ay nagtungo sa pintuang-bayan at naupo roon. Hindi nagtagal, ang malapit na kamag-anak na sinabi ni Boaz ay dumaan. Sinabi niya sa lalaking iyon “Halika, kaibigan. Maupo ka rito.” Siya'y lumapit at naupo.
Siya'y kumuha ng sampung lalaki sa matatanda ng bayan, at sinabi, “Maupo kayo rito.” Kaya't sila'y naupo.
Pagkatapos ay sinabi niya sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi na bumalik na galing sa lupain ng Moab ay ipinagbibili ang bahagi ng lupa, na pag-aari ng ating kamag-anak na si Elimelec.
Kaya't aking inisip na sabihin sa iyo na, “Bilhin mo sa harap ng mga nakaupo rito, at sa harap ng matatanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; ngunit kung hindi mo tutubusin ay sabihin mo, upang malaman ko. Sapagkat wala ng iba pang tutubos liban sa iyo, at ako ang sumusunod sa iyo.” At sinabi niya, “Aking tutubusin.”
Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz, “Sa araw na iyong bilhin ang bukid sa kamay ni Naomi, iyo ring binibili si Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana.”
At sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili, baka masira ang aking sariling mana. Iyo na ang aking karapatan ng pagtubos, sapagkat hindi ko ito matutubos.”
Ito ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.
Kaya't nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, “Bilhin mo para sa iyo,” ay hinubad niya ang kanyang panyapak.
Sinabi ni Boaz sa matatanda at sa buong bayan, “Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelec, lahat ng kay Chilion at kay Malon, mula sa kamay ni Naomi.
Bukod dito'y si Ruth na Moabita na asawa ni Malon, ay aking binili upang aking maging asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag matanggal sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kanyang sinilangan. Kayo'y mga saksi sa araw na ito.”
Pagkatapos, ang buong bayan na nasa pintuang-bayan at ang matatanda ay nagsabi, “Kami ay mga saksi. Gawin nawa ng PANGINOON na ang babaing papasok sa iyong bahay na maging gaya nina Raquel at Lea na sila ang nagtatag ng sambahayan ni Israel. Maging makapangyarihan ka nawa sa Efrata at maging bantog sa Bethlehem.
Ang iyong sambahayan ay maging gaya ng sambahayan ni Perez na ipinanganak ni Tamar kay Juda, dahil sa mga anak na ibibigay ng PANGINOON sa iyo sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng PANGINOON, at siya'y nanganak ng isang lalaki.
Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang PANGINOON na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.
Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”
Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.