Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 4:1-16

Ruth 4:1-16 ASND

Pumunta si Boaz sa pintuang bayan at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda, para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.” Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.” Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon. Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz. Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya, at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!” Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng PANGINOON na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng PANGINOON sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.” Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng PANGINOON na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang PANGINOON! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.” Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito.