Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 1:19-32

MGA TAGA ROMA 1:19-32 ABTAG01

Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila. Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan; sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim. Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal, at ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang. Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili; sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen. Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di-likas. At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali. At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat. Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at punô ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis, mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos, mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang, mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa. Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon.