Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Roma 1:19-32

Roma 1:19-32 ASND

Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang. Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen! Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila. At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.