Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 27

27
Awit ni David.
1Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
sino ang aking kasisindakan?
2Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
sila'y matitisod at mabubuwal.
3Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
gayunman ako'y magtitiwala pa rin.
4Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
at sumangguni sa kanyang templo.
5Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6At ngayo'y itataas ang aking ulo
sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.
7Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
8Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
“Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
9Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.
Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
O Diyos ng aking kaligtasan!
10Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.
11Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
akayin mo ako sa patag na landas
dahil sa aking mga kaaway.
12Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
at sila'y nagbubuga ng karahasan.
13Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
sa lupain ng mga nabubuhay!
14Maghintay ka sa Panginoon;
magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
oo, maghintay ka sa Panginoon!

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 27: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya