Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 146:1-10

MGA AWIT 146:1-10 ABTAG01

Purihin ang PANGINOON! Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko! Pupurihin ko ang PANGINOON habang ako'y nabubuhay, ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay. Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno, o sa anak man ng tao na walang kaligtasan. Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa; sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala. Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa PANGINOON niyang Diyos, na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon; na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman; na naglalapat ng katarungan sa naaapi; na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinalalaya ng PANGINOON ang mga bilanggo; binubuksan ng PANGINOON ang mga mata ng bulag. Ibinabangon ng PANGINOON ang mga nabubuwal. Iniibig ng PANGINOON ang matuwid. Iniingatan ng PANGINOON ang mga banyaga; kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila, ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya. Magpakailanman ang PANGINOON ay maghahari, ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi. Purihin ang PANGINOON!