Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 103:1-14

MGA AWIT 103:1-14 ABTAG01

Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko; at lahat ng nasa loob ko, purihin ang kanyang banal na pangalan! Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya— na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman, na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay: na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal, na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay; anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan. Ang PANGINOON ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa at katarungan sa lahat ng naaapi. Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises, ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel. Ang PANGINOON ay mahabagin at mapagbiyaya, hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana. Hindi siya laging makikipaglaban, ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman. Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan, ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan. Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa, ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila! Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway. Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang PANGINOON sa mga natatakot sa kanya. Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman, naaalala niya na tayo'y alabok.