Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 103

103
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
1Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8Ang#San. 5:11 Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
naaalala niya na tayo'y alabok.
15Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18sa mga nag-iingat ng tipan niya,
at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.
19Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 103: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya