MGA AWIT 101
101
Awit ni David.
1Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
2Aking susundin ang daang matuwid.
O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
na may tapat na puso.
3Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
4Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
hindi ako makakaalam ng masamang bagay.
5Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
ay hindi ko titiisin.
6Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
ay maglilingkod sa akin.
7Walang taong gumagawa ng pandaraya
ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
ang mananatili sa aking harapan.
8Tuwing umaga ay aking lilipulin
ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
sa lunsod ng Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
MGA AWIT 101: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001