Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 31:10-25

MGA KAWIKAAN 31:10-25 ABTAG01

Sinong makakatagpo ng isang butihing babae? Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi. Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala, at siya'y hindi kukulangin ng mapapala. Gumagawa siya ng mabuti sa kanya at hindi kasamaan sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay. Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at kusang-loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho. Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal, nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan. Siya'y bumabangon samantalang gabi pa, at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya, at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya. Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya, sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan. Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang, at pinalalakas ang kanyang mga bisig. Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal, ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay. Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid, at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi. Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay, iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan. Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya, sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula. Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili, ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay-ube. Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang-bayan, kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain. Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili, at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante. Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan, at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA KAWIKAAN 31:10-25

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya