Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 3:1-35

MGA KAWIKAAN 3:1-35 ABTAG01

Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan, kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan; sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay. Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan; itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg, isulat mo sa iyong puso. Sa gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan sa paningin ng Diyos at ng tao. Sa PANGINOON ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin. Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa PANGINOON, at sa kasamaan ay lumayo ka. Ito'y magiging kagalingan sa laman mo, at kaginhawahan sa iyong mga buto. Parangalan mo ang PANGINOON mula sa iyong kayamanan, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani; sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan, at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan. Anak ko, ang disiplina ng PANGINOON ay huwag mong hamakin, at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil. Sapagkat sinasaway ng PANGINOON ang kanyang minamahal, gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan. Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan. Sapagkat ang pakinabang dito kaysa pilak ay mas mainam, at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay. Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga, at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya. Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay; sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan. Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan. Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya; at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya. Itinatag ng PANGINOON ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan; itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan. Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak, at nagpapatak ng hamog ang mga ulap. Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata, ingatan mo ang magaling na dunong at mabuting pagpapasiya, at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa, at sa iyong leeg ay magiging pampaganda. Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan, at ang iyong paa ay di matitisod kailanman. Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot; kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog. Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla, o sa pagdating ng pagsalakay ng masama, sapagkat ang PANGINOON ang magiging iyong pagtitiwala, at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa. Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay. Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang, at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman. Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa, na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala. Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan, kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa taong marahas, at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas; sapagkat sa PANGINOON ang suwail ay kasuklamsuklam, ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan. Ang sumpa ng PANGINOON ay nasa bahay ng masama; ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala. Sa mga nanunuya siya ay mapanuya, ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya. Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian, ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA KAWIKAAN 3:1-35