Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 2

2
Ang Gantimpala ng Karunungan
1Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin,
at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin,
2ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig,
at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig.
3Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam,
at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa,
4kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin,
at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin,
5kung magkagayo'y ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan,
at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan.
6Sapagkat ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan,
sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.
7Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan,
siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan,
8upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan,
at maingatan ang daan ng kanyang mga banal.
9Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran,
ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan.
10Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan,
at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman.
11Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo,
ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo.
12Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan,
mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay;
13na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran,
upang lumakad sa mga daan ng kadiliman;
14na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,
at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan;
15na mga lihis sa kanilang mga lakad,
at mga suwail sa kanilang mga landas.
16Sa masamang babae ikaw ay maliligtas,
mula sa mapakiapid at sa mga salita niyang binibigkas,
17na nagpapabaya sa kasamahan ng kanyang kabataan,
at ang tipan ng kanyang Diyos ay kanyang kinalilimutan;
18sapagkat ang kanyang bahay ay lumulubog sa kamatayan,
at ang kanyang mga landas tungo sa mga kadiliman;
19walang naparoroon sa kanya na nakakabalik muli,
ni ang mga landas ng buhay ay kanilang nababawi.
20Kaya't ang lakad ng mabubuting tao ang iyong lakaran,
at ang mga landas ng matuwid ang iyong pakaingatan.
21Sapagkat ang matuwid sa lupain ay mamamalagi,
at ang walang sala doon ay mananatili.
22Ngunit ang masama ay tatanggalin sa lupain,
at ang mga taksil doon ay bubunutin.

Kasalukuyang Napili:

MGA KAWIKAAN 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya