Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 1

1
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1Ang#1 Ha. 4:32 mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel:
2Upang ang tao ay matuto ng karunungan at pangaral,
upang ang mga salita ng pagkaunawa ay malaman,
3upang tumanggap ng turo sa matalinong pamumuhay,
sa katuwiran, katarungan, at pagkakapantay-pantay,
4upang mabigyan ng talino ang walang muwang
kaalaman at mabuting pagpapasiya sa kabataan—
5upang marinig din ng matalino, at lumago sa kaalaman,
at magtamo ang taong may unawa ng kahusayan,
6upang umunawa ng kawikaan at ng pagsasalarawan,
ng mga salita ng pantas, at ng kanilang mga palaisipan.
Payo sa mga Kabataang Lalaki
7Ang#Job 28:28; Awit 111:10; Kaw. 9:10 takot sa Panginoon ang pasimula ng kaalaman;
ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal.
8Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama,
at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina;
9sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo,
at mga kuwintas sa iyong leeg.
10Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan,
huwag kang pumayag.
11Kung kanilang sabihin,
“Sumama ka sa amin, tayo'y mag-abang upang magpadanak ng dugo,
ating tambangan nang walang dahilan ang walang sala;
12gaya ng Sheol, sila'y lunukin nating buháy,
at buo, na gaya ng bumababa sa Hukay.
13Tayo'y makakasumpong ng lahat ng mamahaling bagay;
ating pupunuin ng samsam ang ating mga bahay.
14Makipagsapalaran kang kasama namin;
magkakaroon tayong lahat ng iisang supot”—
15anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila;
pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas.
16Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
at sila'y nagmamadali sa pagbububo ng dugo.
17Sapagkat walang kabuluhang iladlad ang isang bitag,
habang nakatingin ang ibon.
18Ngunit sila'y nag-aabang sa sarili nilang dugo,
at tinatambangan ang sarili nilang buhay.
19Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang,
ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw.
Ang Tawag ng Karunungan
20Ang#Kaw. 8:1-3 karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan;
kanyang inilalakas ang kanyang tinig sa mga pamilihan.
21Siya'y sumisigaw sa mga panulukan;
sa pasukan ng mga pintuang-bayan, kanyang sinasabi:
22“Hanggang kailan, O mga walang muwang, kayo'y iibig sa inyong kawalang kaalaman?
Hanggang kailan ang mga manunuya ay matutuwa sa panunuya,
at ang mga hangal ay mamumuhi sa kaalaman?
23Sa aking saway ay bumaling kayo;
narito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa inyo.
Ang mga salita ko'y ipapaalam ko sa inyo.
24Sapagkat ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi,
iniunat ko ang aking kamay, at walang nakinig;
25at dahil ang lahat kong payo ay winalan ninyong saysay,
at ayaw ninyong tanggapin ang aking saway;
26ako naman ay tatawa sa inyong kapahamakan;
ako'y manunuya kapag ang takot sa inyo ay dumating,
27kapag ang takot ay dumating sa inyo na parang bagyo,
at ang inyong kapahamakan ay dumating na parang ipu-ipo;
kapag ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
28Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, ngunit hindi ako sasagot;
hahanapin nila akong mabuti, ngunit hindi nila ako matatagpuan.
29Sapagkat kinamuhian nila ang kaalaman,
at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
30Ayaw nila sa aking payo;
hinamak nila ang lahat kong pagsaway.
31Kaya't kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad,
at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana.
32Sapagkat ang pagkaligaw ang pumapatay sa walang alam,
at ang pagsasawalang-bahala ang sumisira sa hangal.
33Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay,
at papanatag na walang takot sa kasamaan.”

Kasalukuyang Napili:

MGA KAWIKAAN 1: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in