Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 19:8-23

MGA KAWIKAAN 19:8-23 ABTAG01

Siyang kumukuha ng karunungan ay umiibig sa sariling kaluluwa, siyang nag-iingat ng pang-unawa ay sasagana. Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan, at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay. Hindi nababagay sa hangal ang mamuhay na marangya, lalo na sa alipin na sa mga pinuno ay mamahala. Ang matinong pag-iisip ng tao sa galit ay nagpapabagal, at kanyang kaluwalhatian na di pansinin ang kamalian. Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon, ngunit parang hamog sa damo ang kanyang pagsang-ayon. Ang hangal na anak, sa kanyang ama ay kasiraan, at ang pakikipagtalo ng asawa ay patuloy na pagpatak ng ulan. Bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang, ngunit galing sa PANGINOON ang asawa na may katalinuhan. Ang katamaran ay nagbubulid sa tulog na mahimbing; at ang taong tamad, gutom ay daranasin. Ang nag-iingat ng utos ay kaluluwa niya ang iniingatan, ngunit ang humahamak sa salita ay mamamatay. Ang mabait sa dukha ay sa PANGINOON nagpapautang, at ang kanyang mabuting gawa sa kanya ay babayaran. Supilin mo ang iyong anak, habang may pag-asa; at huwag mong ilagak ang iyong puso sa ikapapahamak niya. Ang taong may malaking poot sa parusa ay pagbabayarin, sapagkat kung iyong iligtas siya, muli mo lamang iyong gagawin. Makinig ka sa payo, at sa pangaral ay tumanggap, upang magtamo ka ng karunungan para sa hinaharap. Sa puso ng isang tao, ang panukala'y marami, ngunit ang layunin ng PANGINOON ang siyang mananatili. Ang kanais-nais sa isang tao ay ang kanyang katapatan, at ang isang dukha ay mas mabuti kaysa isang bulaan. Ang takot sa PANGINOON ay patungo sa buhay; at ang mayroon niyon ay magpapahingang may kasiyahan; hindi siya dadalawin ng kapinsalaan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA KAWIKAAN 19:8-23