Ang turo ng ama'y dinirinig ng matalinong anak,
ngunit hindi nakikinig sa saway ang manlilibak.
Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan,
ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.
Ang nag-iingat ng kanyang bibig ay nag-iingat ng kanyang buhay;
ngunit ang nagbubuka nang maluwang ng kanyang mga labi ay hahantong sa kapahamakan.
Ang kaluluwa ng tamad ay nagnanasa at walang nakukuha,
ngunit ang kaluluwa ng masipag ay tutustusang sagana.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
ngunit ang gawa ng masama ay kahiyahiya at kasuklamsuklam.
Ang may matuwid na lakad ay binabantayan ng katuwiran,
ngunit ibinabagsak ng pagkakasala ang makasalanan.
May nagkukunwaring mayaman, subalit wala naman,
may nagpapanggap na dukha, gayunma'y napakayaman.
Ang pantubos sa buhay ng tao ay ang kanyang kayamanan,
ngunit ang dukha ay walang banta sa kanyang buhay.
Ang ilaw ng matuwid ay natutuwa,
ngunit ang tanglaw ng masama ay mawawala.
Sa kapalaluan, ang suwail ay lumilikha ng gulo,
ngunit ang karunungan ay nasa mga tumatanggap ng payo.
Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan,
ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan.
Nagpapasakit ng puso ang pag-asang naaantala,
ngunit punungkahoy ng buhay ang natupad na nasa.
Ang humahamak sa salita, sa sarili'y nagdadala ng kapahamakan,
ngunit ang gumagalang sa utos ay gagantimpalaan.
Ang kautusan ng matalino ay bukal ng buhay,
upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
Ang mabuting pagpapasiya'y nagbubunga ng pagpapala,
ngunit ang lakad ng di-tapat ang kanilang ikasisira.
Sa bawat bagay ang matalinong tao ay gumagawang may kaalaman;
ngunit ang hangal ay nagkakalat ng kanyang kahangalan.
Ang masamang sugo ay naghuhulog sa tao sa kaguluhan,
ngunit ang tapat na sugo ay may dalang kagalingan.
Kahirapan at kahihiyan ang darating sa nagtatakuwil ng pangaral,
ngunit siyang nakikinig sa saway ay pararangalan.
Ang pagnanasang natupad ay matamis sa kaluluwa;
ngunit kasuklamsuklam sa mga hangal ang humiwalay sa masama.
Ang lumalakad na kasama ng matatalino ay magiging matalino rin,
ngunit ang kasama ng mga hangal, kapahamakan ang daranasin.
Ang kasawian ay humahabol sa mga makasalanan,
ngunit ang matuwid ay ginagantimpalaan ng kasaganaan.
Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kanyang mga anak;
ngunit ang kayamanan ng makasalanan, para sa matuwid ay nakalagak.
Ang binungkal na lupa ng dukha ay maraming pagkaing ibinibigay,
ngunit naaagaw iyon dahil sa kawalan ng katarungan.
Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya,
ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina.
Ang matuwid ay may sapat upang masiyahan,
ngunit ang tiyan ng masama ay mangangailangan.