Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 12:1-22

MGA KAWIKAAN 12:1-22 ABTAG01

Ang umiibig sa pangaral ay umiibig sa kaalaman, ngunit ang namumuhi sa saway ay isang hangal. Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng PANGINOON, ngunit kanyang parurusahan ang taong may masasamang layon. Hindi tumatatag ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan, ngunit ang ugat ng matuwid ay hindi magagalaw. Ang mabuting babae ay korona ng kanyang asawa, ngunit parang kabulukan sa kanyang mga buto kung kahihiyan ang dulot niya. Ang mga iniisip ng matuwid ay makatarungan, ang mga payo ng masama ay kataksilan. Ang mga salita ng masama ay nag-aabang ng dugo, ngunit ang bibig ng matuwid ang nagliligtas sa tao. Ang masasama ay ibinabagsak at pinapawi, ngunit ang sambahayan ng matuwid ay mananatili. Pinupuri ang tao ayon sa kanyang katinuan, ngunit ang may masamang puso ay hahamakin lamang. Mabuti pa ang taong mapagpakumbaba na gumagawa para sa kanyang sarili, kaysa nagkukunwaring dakila na wala namang makain. Buhay ng kanyang hayop, pinapahalagahan ng matuwid, ngunit ang kaawaan ng masama ay malupit. Siyang nagbubungkal ng kanyang lupa ay magkakaroon ng tinapay na sagana, ngunit siyang sumusunod sa walang kabuluhang bagay ay walang unawa. Ang matatag na tore ng masama ay nawawasak, ngunit ang ugat ng matuwid ay nananatiling matatag. Sa pagsalangsang ng mga labi nasisilo ang masamang tao, ngunit ang matuwid ay nakakatakas sa gulo. Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya'y bumabalik. Ang lakad ng hangal, sa sarili niyang paningin ay wasto, ngunit ang marunong ay nakikinig sa payo. Ang pagkayamot ng hangal ay agad nahahalata, ngunit hindi pinapansin ng matalino ang pagkutya. Ang nagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay ng tapat na katibayan, ngunit ang sinungaling na saksi ay nagsasalita ng kadayaan. Mga salitang padalus-dalos ay parang ulos ng espada, ngunit ang dila ng pantas ay kagalingan ang dala. Ang labi ng katotohanan ay nagtatagal kailanman, ngunit ang sinungaling na dila ay panandalian lamang. Ang pandaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan, ngunit ang nagpaplano ng kabutihan ay may kagalakan. Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid, ngunit ang masama ay napupuno ng panganib. Mga sinungaling na labi sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit ang gumagawa nang may katotohanan ay kanyang kinalulugdan.