Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 11:1-25

MGA KAWIKAAN 11:1-25 ABTAG01

Kasuklamsuklam sa PANGINOON ang madayang timbangan, ngunit ang tamang timbangan ay kanyang kasiyahan. Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan; ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan. Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila, ngunit ang kalikuan ng mga taksil ang sa kanila'y sumisira. Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng kapootan, ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan. Ang katuwiran ng walang sala ang nagtutuwid sa kanyang daan, ngunit nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan. Ang katuwiran ng matutuwid ang nagliligtas sa kanila, ngunit ang mga taksil ay nadadakip sa kanilang sariling pagnanasa. Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak, at ang inaasam ng masama ay napaparam. Ang matuwid ay naliligtas sa gulo, at ang masama naman ay nasasangkot dito. Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid. Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang, at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan. Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila, ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama. Ang humahamak sa kanyang kapwa ay kulang sa sariling bait, ngunit ang taong may unawa ay tumatahimik. Ang gumagalang tagapagdala ng tsismis, mga lihim ay inihahayag, ngunit nakapagtatago ng bagay ang may espiritung tapat. Kung saan walang patnubay, bumabagsak ang bayan; ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong kaligtasan. Siyang nananagot sa di-kilala, sa gusot ay malalagay; ngunit siyang namumuhi sa pananagot ay tiwasay. Ang mapagbiyayang babae ay nagkakamit ng karangalan, at ang marahas na lalaki ay nagkakaroon ng kayamanan. Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kanyang sarili, ngunit ang taong malupit ay nananakit sa kanyang sarili. Napapalâ ng masama ay madayang kabayaran, ngunit ang naghahasik ng katuwiran ay tiyak na gantimpala ang kakamtan. Siyang matatag sa katuwiran ay mabubuhay, ngunit ang humahabol sa kasamaan ay mamamatay. Silang suwail sa puso sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit ang sakdal sa kanilang lakad ay kanyang kasiyahan. Ang masamang tao ay tiyak na parurusahan, ngunit ang matutuwid ay may kaligtasan. Tulad ng singsing na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang isang magandang babae na walang dunong. Ang nasa ng matuwid ay nagwawakas lamang sa kabutihan, ngunit ang inaasahan ng masama ay sa kapootan. May taong nagbibigay ng masagana at lalo pang yumayaman, may nagkakait ng dapat ibigay, ngunit naghihirap lamang. Ang taong mapagbigay ay payayamanin, at siyang nagdidilig ay didiligin din.