Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 1:5-33

MGA KAWIKAAN 1:5-33 ABTAG01

upang marinig din ng matalino, at lumago sa kaalaman, at magtamo ang taong may unawa ng kahusayan, upang umunawa ng kawikaan at ng pagsasalarawan, ng mga salita ng pantas, at ng kanilang mga palaisipan. Ang takot sa PANGINOON ang pasimula ng kaalaman; ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal. Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina; sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo, at mga kuwintas sa iyong leeg. Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. Kung kanilang sabihin, “Sumama ka sa amin, tayo'y mag-abang upang magpadanak ng dugo, ating tambangan nang walang dahilan ang walang sala; gaya ng Sheol, sila'y lunukin nating buháy, at buo, na gaya ng bumababa sa Hukay. Tayo'y makakasumpong ng lahat ng mamahaling bagay; ating pupunuin ng samsam ang ating mga bahay. Makipagsapalaran kang kasama namin; magkakaroon tayong lahat ng iisang supot”— anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas. Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila'y nagmamadali sa pagbububo ng dugo. Sapagkat walang kabuluhang iladlad ang isang bitag, habang nakatingin ang ibon. Ngunit sila'y nag-aabang sa sarili nilang dugo, at tinatambangan ang sarili nilang buhay. Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang, ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw. Ang karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan; kanyang inilalakas ang kanyang tinig sa mga pamilihan. Siya'y sumisigaw sa mga panulukan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, kanyang sinasabi: “Hanggang kailan, O mga walang muwang, kayo'y iibig sa inyong kawalang kaalaman? Hanggang kailan ang mga manunuya ay matutuwa sa panunuya, at ang mga hangal ay mamumuhi sa kaalaman? Sa aking saway ay bumaling kayo; narito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa inyo. Ang mga salita ko'y ipapaalam ko sa inyo. Sapagkat ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi, iniunat ko ang aking kamay, at walang nakinig; at dahil ang lahat kong payo ay winalan ninyong saysay, at ayaw ninyong tanggapin ang aking saway; ako naman ay tatawa sa inyong kapahamakan; ako'y manunuya kapag ang takot sa inyo ay dumating, kapag ang takot ay dumating sa inyo na parang bagyo, at ang inyong kapahamakan ay dumating na parang ipu-ipo; kapag ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, ngunit hindi ako sasagot; hahanapin nila akong mabuti, ngunit hindi nila ako matatagpuan. Sapagkat kinamuhian nila ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa PANGINOON. Ayaw nila sa aking payo; hinamak nila ang lahat kong pagsaway. Kaya't kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana. Sapagkat ang pagkaligaw ang pumapatay sa walang alam, at ang pagsasawalang-bahala ang sumisira sa hangal. Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay, at papanatag na walang takot sa kasamaan.”