Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 27:12-23

MGA BILANG 27:12-23 ABTAG01

Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel. Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid. Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.) At nagsalita si Moises sa PANGINOON, na sinasabi, “Hayaan mong pumili ang PANGINOON, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan, na lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng PANGINOON ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol.” Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya. Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya. Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel. At siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng PANGINOON; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan. Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng PANGINOON sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan. Kanyang ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya