Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 22:6-41

MGA BILANG 22:6-41 ABTAG01

Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.” Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak. Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng PANGINOON sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam. At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi, “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.” Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.” Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang PANGINOON ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.” Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila. Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin. Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’” Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng PANGINOON kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit. Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng PANGINOON.” Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.” PANGINOON Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab. Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng PANGINOON ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya. Nakita ng asno ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan. Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng PANGINOON sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig. Nakita ng asno ang anghel ng PANGINOON at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno. Pagkatapos, ang anghel ng PANGINOON ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa. Nang makita ng asno ang anghel ng PANGINOON, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno. Ibinuka ng PANGINOON ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?” Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.” At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.” PANGINOON Nang magkagayo'y iminulat ng PANGINOON ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa. At sinabi sa kanya ng anghel ng PANGINOON, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko. Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.” At sinabi ni Balaam sa anghel ng PANGINOON, “Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako.” At sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Balaam, “Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo.” Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak. Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan. Sinabi ni Balak kay Balaam, “Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?” Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin.” At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot. Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan.