Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.
Kaya naglakbay ang mga tagapamahala ng Moab at Midian na dala ang bayad para kay Balaam. Sinabi nila sa kanya ang sinabi ni Balak. At sinabi ni Balaam sa kanila, “Dito na lang kayo matulog ngayong gabi at sasabihin ko sa inyo bukas kung ano ang sasabihin ng PANGINOON sa akin.” Kaya roon natulog ang mga pinuno ng Moab.
Nagtanong ang Dios kay Balaam, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” Sumagot si Balaam sa Dios, “Sila po ang mga mensaherong isinugo ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor. Ganito ang kanyang mensahe: May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin dahil baka matalo ko sila at maitaboy palayo.”
Pero sinabi ng Dios kay Balaam, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.”
Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang PANGINOON na sumama ako sa inyo.”
Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”
Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna. Pumunta sila kay Balaam at sinabi:
“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito. Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”
Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng PANGINOON na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay. Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang PANGINOON sa akin.”
Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay si Balaam, nagalit ang PANGINOON, kaya hinarang siya ng anghel ng PANGINOON sa daan. Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng PANGINOON sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.
Pagkatapos, tumayo ang anghel ng PANGINOON sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan. Pagkakita ng asno sa anghel ng PANGINOON, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.
Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng PANGINOON at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid. Pagkakita ng asno sa anghel ng PANGINOON, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston. Pagkatapos, pinagsalita ng PANGINOON ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?” Sumagot si Balaam sa asno, “Ginawa mo akong parang luku-luko. Kung may espada lang ako, papatayin kita ngayon din.” Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi baʼt ako ang asnong palagi mong sinasakyan? Umasal ba ako dati nang gaya nito?” Sumagot si Balaam, “Hindi.”
Pagkatapos, ipinakita ng PANGINOON kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan na may hawak na espada. Kaya nagpatirapa si Balaam.
Nagtanong sa kanya ang anghel ng PANGINOON, “Bakit mo ba pinalo ang asno mo ng tatlong beses? Nandito ako para harangan ka dahil masama sa aking paningin ang inasal mo. Nakita ako ng iyong asno at umiwas siya sa akin ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, pinatay na sana kita at pinabayaang mabuhay ang iyong asno.”
Sinabi ni Balaam sa anghel ng PANGINOON, “Nagkasala po ako! Hindi ko alam na nakatayo pala kayo riyan sa daan para humarang sa akin. Kung masama para sa inyong magpatuloy ako, uuwi na lang po ako.”
Sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Balaam, “Sasama ka sa mga taong iyon, pero sabihin mo lang sa kanila ang mga sasabihin ko sa iyo.” Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
Nang malaman ni Balak na paparating si Balaam, sumalubong siya roon sa isang bayan ng Moab malapit sa Arnon, sa hangganan ng kanyang teritoryo.
Sinabi ni Balak kay Balaam, “Hindi baʼt dali-dali kitang ipinatawag? Bakit hindi ka kaagad nagpunta? Iniisip mo ba na hindi kita babayaran?” Sumagot si Balaam, “Nandito na ako. Pero sasabihin ko lang sa iyo kung ano ang ipinapasabi ng Dios sa akin.”
Pagkatapos, sumama si Balaam kay Balak sa Kiriat Huzot. At naghandog doon si Balak ng baka at tupa. Ibinigay niya ang ibang mga karne kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa Bamot Baal at doon nakita niya sa ibaba ang buong mamamayan ng Israel.