Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NEHEMIAS 6

6
Mga Pakana Laban kay Nehemias
1Nang maibalita kina Sanballat, Tobias, at Gesem na taga-Arabia, at sa iba pa naming mga kaaway na naitayo ko na ang pader at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman hanggang sa panahong iyon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-bayan),
2sina Sanballat at Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, “Pumarito ka, magkita tayo sa isa sa mga nayon sa kapatagan ng Ono.” Ngunit nagbabalak silang gawan ako ng masama.
3At ako'y nagpadala ng mga sugo sa kanila, na nagsasabi, “Ako'y gumagawa ng isang dakilang gawain at hindi ako makakababa. Bakit kailangang itigil ang gawain, habang wala ako upang makababa lamang sa inyo?”
4At sila'y nagsugo sa akin nang apat na ulit sa ganitong paraan at sinagot ko sila sa gayunding paraan.
5Sa gayunding paraan isinugo ni Sanballat ang kanyang lingkod sa akin sa ikalimang pagkakataon na may bukas na sulat sa kanyang kamay.
6Doon ay nakasulat: “Naibalita sa mga bansa, at sinasabi rin ni Gasmu na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik na siyang dahilan kung bakit nagtatayo ka ng pader. At nais mong maging hari nila, ayon sa ulat na ito.
7At naglagay ka rin ng mga propeta upang magpahayag tungkol sa iyo sa Jerusalem, ‘May isang hari sa Juda.’ At ngayo'y ibabalita ito sa hari ayon sa mga salitang ito. Kaya't pumarito ka ngayon, at mag-usap tayo.”
8Nang magkagayo'y nagsugo ako sa kanya, na sinasabi, “Walang ganyang mga bagay na gaya ng iyong sinasabi ang ginawa. Kinatha mo lamang ang mga iyan mula sa sarili mong pag-iisip.”
9Sapagkat ibig nilang lahat na takutin kami, na nag-aakalang, “Hihinto ang mga kamay nila sa paggawa at hindi ito matatapos.” Ngunit ngayon, O Diyos, palakasin mo ang aking mga kamay.
10Nang ako'y pumaroon sa bahay ni Shemaya na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel na nakulong ay kanyang sinabi, “Tayo'y magtipon sa bahay ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat sila'y darating upang patayin ka. Tiyak, sa gabi ay darating sila upang patayin ka.”
11Ngunit aking sinabi, “Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? Ang tao bang gaya ko ay papasok sa templo upang iligtas ang buhay? Hindi ako papasok.”
12At aking napag-alaman at nakita na hindi siya sinugo ng Diyos, kundi kanyang sinabi ang propesiya laban sa akin, sapagkat inupahan siya nina Tobias at Sanballat.
13Para sa layuning ito ay inupahan siya, upang ako'y matakot at kumilos sa ganitong paraan at magkasala, upang mabigyan nila ako ng isang masamang pangalan at ako'y kanilang tuyain.
14Alalahanin mo, O aking Diyos, sina Tobias at Sanballat ayon sa mga gawang ito na kanilang ginawa, gayundin ang babaing propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na nagnais na ako'y takutin.
Ang Pagtatapos ng Gawain
15Sa gayo'y natapos ang pader sa ikadalawampu't limang araw ng buwan ng Elul, sa loob ng limampu't dalawang araw.
16Nang ito'y mabalitaan ng lahat ng aming mga kaaway, ang lahat ng mga bansang nasa palibot namin ay natakot at napahiya sa kanilang sariling pagmamataas, sapagkat kanilang nabatid na ang gawang ito ay natapos sa tulong ng aming Diyos.
17Bukod dito, sa mga araw na iyon ay nagpadala ng maraming sulat kay Tobias ang mga maharlika sa Juda at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila.
18Sapagkat marami sa Juda ang nanumpa sa kanya, sapagkat siya'y manugang ni Shecanias na anak ni Arah; at kinuha ng kanyang anak na si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam na anak ni Berequias upang maging kanyang asawa.
19Nagsalita rin sila tungkol sa kanyang mabubuting gawa sa harapan ko, at ibinalita ang aking mga sinabi sa kanya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang takutin ako.

Kasalukuyang Napili:

NEHEMIAS 6: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in