NEHEMIAS 5
5
Ang Pang-aapi sa mga Dukha
1Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio.
2Sapagkat may nagsabi, “Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buháy.”
3May nagsabi rin, “Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom.”
4May nagsabi rin, “Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan.”
6Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito.
7Pagkatapos#Exo. 22:25; Lev. 25:35-37; Deut. 23:19, 20 na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, “Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid.” Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila.
8Sinabi ko sa kanila, “Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!” Sila'y tumahimik at walang masabing anuman.
9Kaya't sinabi ko, “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa?
10Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo.
11Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila.”
12Pagkatapos ay sinabi nila, “Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi.” Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila.
13Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, “Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran.” At ang buong kapulungan ay nagsabi, “Amen” at pinuri ang Panginoon. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako.
Ang Pagiging Di-makasarili ni Nehemias
14Bukod dito, mula nang panahong ako'y hirangin na maging tagapamahala nila sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawampung taon hanggang sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Haring Artaxerxes, samakatuwid ay labindalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi kumain ng pagkaing panustos para sa tagapamahala.
15Ang mga dating tagapamahalang nauna sa akin ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa taong-bayan, at kumuha sa kanila ng pagkain at alak, bukod sa apatnapung siklong pilak. Maging ang kanilang mga lingkod ay nagmalupit sa taong-bayan. Ngunit iyon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Diyos.
16Itinalaga ko ang aking sarili sa gawain sa pader na ito, at hindi bumili ng lupain; at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagtipun-tipon doon para sa gawain.
17Bukod dito'y nagkaroon sa aking hapag ng isandaan at limampung katao, mga Judio at mga pinuno, bukod sa pumunta sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.
18Ang inihahanda sa bawat araw ay isang baka at anim na tupang pinili; ang mga manok ay inihanda rin para sa akin, at bawat sampung araw ay maraming sari-saring alak. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi ako humingi ng pagkaing panustos para sa tagapamahala, dahil sa mabigat na pasanin ng paggawa na nasa taong-bayan.
19O aking Diyos, alalahanin mo para sa aking ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa para sa bayang ito.
Kasalukuyang Napili:
NEHEMIAS 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001