Sa buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari, samantalang mayroong alak sa harapan niya, kinuha ko ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi pa ako naging malungkot nang gayon sa kanyang harapan.
At sinabi ng hari sa akin, “Bakit malungkot ang iyong mukha, samantalang wala ka namang sakit? Ito'y walang iba kundi kalungkutan ng puso.” Nang magkagayo'y lubha akong natakot.
Sinabi ko sa hari, “Mabuhay ang hari magpakailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha, gayong ang lunsod, ang lugar ng mga libingan ng aking mga ninuno ay giba, at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy?”
Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, “Ano ang iyong kahilingan?” Kaya't ako'y nanalangin sa Diyos ng langit.
Sinabi ko sa hari, “Kung ikakalugod ng hari at kung ang iyong lingkod ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, suguin mo ako sa Juda, sa lunsod ng libingan ng aking mga ninuno, upang aking muling maitayo ito.”
Sinabi ng hari sa akin, (ang reyna ay nakaupo sa tabi niya), “Gaano katagal kang mawawala, at kailan ka babalik?” Sa gayo'y ikinalugod ng hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kanya ng panahon.
Sinabi ko naman sa hari, “Kung ikakalugod ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y makarating sa Juda;
at isang sulat para kay Asaf na tagapag-ingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga troso upang gawing mga biga sa mga pintuan ng kuta ng templo at para sa pader ng lunsod at sa bahay na aking papasukan.” Ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking hiniling, sapagkat ang mabuting kamay ng aking Diyos ay nasa akin.
At ako'y pumunta sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Ang hari ay nagsugo na kasama ko ang mga punong-kawal ng hukbo at mga mangangabayo.
Subalit nang mabalitaan ito ni Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, ikinayamot nila nang husto na may isang dumating para sa kapakanan ng mga anak ni Israel.
Kaya't dumating ako sa Jerusalem at tumigil doon sa loob ng tatlong araw.
Kinagabihan, bumangon ako at ang ilang lalaking kasama ko. Wala akong pinagsabihan kung ano ang inilagay ng aking Diyos sa aking puso upang gawin para sa Jerusalem. Wala akong kasamang hayop maliban sa hayop na aking sinakyan.
Kinagabihan, ako'y lumabas sa Pintuan ng Libis tungo sa Balon ng Dragon at sa Pintuan ng Dumi, at aking siniyasat ang mga pader ng Jerusalem na winasak at ang mga pintuan nito na tinupok ng apoy.
Pagkatapos ay nagtungo ako sa Pintuan ng Bukal at sa Tipunan ng Tubig ng hari; ngunit walang madaanan ang hayop na sinasakyan ko.
Kinagabihan, ako'y umahon sa libis at siniyasat ang pader. Pagkatapos ako'y bumalik at pumasok sa Pintuan ng Libis; gayon ako bumalik.
Hindi nalaman ng mga pinuno kung saan ako nagpunta, o kung ano ang ginagawa ko. Hindi ko pa sinasabi sa mga Judio, sa mga pari, sa mga maharlika, sa mga pinuno, at sa iba pang gagawa ng gawain.
Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang magulong kalagayan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuan nito ay nasunog. Halikayo, itayo natin ang pader ng Jerusalem upang hindi na tayo magdanas ng kahihiyan.”
Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa kamay ng aking Diyos na naging mabuti sa akin, at gayundin ang mga salitang sinabi sa akin ng hari. At kanilang sinabi, “Magsimula na tayong magtayo.” Kaya't itinalaga nila ang kanilang mga sarili para sa ikabubuti ng lahat.
Ngunit nang ito'y mabalitaan nina Sanballat na Horonita, ni Tobias na lingkod na Ammonita, at ni Gesem na taga-Arabia, kanilang pinagtawanan at hinamak kami at sinabi, “Ano itong bagay na inyong ginagawa? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”
Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit at kaming mga lingkod niya ay magsisimula nang magtayo; ngunit kayo'y walang bahagi, o karapatan, o alaala man sa Jerusalem.”